GENERIC MEDICINES: Ano nga ba sila?
Kanina, kagagaling ko lang sa palengke dito samin para bumili ng maintenance drugs ng nanay ko. Matagal na kasi syang na-diagnose ng hypertension pati diabetes, at kinailangan na talaga nyang ma-control ang presyon at blood glucose nya.
Pumunta ako sa pinakamalapit na The Generics Pharmacy at Generika, (bawal bang mag-advertise? Hehe) para dun bilhin ang mga gamot nya. Actually nagsimula yan nung magtrabaho ako sa PhilHealth, kasi nag-pledge ako na ako ang bibili ng gamot ng nanay ko, bilang contribution ko na din sa gastusin sa bahay. Nang una, branded pa binibili ng nanay ko, at sabi ko naman, try muna naming bumili ng generics, tignan namin kung parehas lang ang epekto o hindi. Sa ikinabigla namin, parehas lang ang epekto - umayos naman ang blood pressure ng nanay ko, at ang sugar, medyo tumataas, pero ayos pa din naman. Ibig sabihin, effective din naman. Nice. Tipid.
Nung BS Nursing pa ang tine-take ko, palagi nang sinasabi samin ng mga professors namin na ang mga generic drugs naman daw ay effective at safe, nagkaiba lang naman sa excipient (yung powder na nag-huhulma sa tabletas). Simula noon, nung mag-duty kami sa mga hospitals, napakalakas kong advocate ng generic medicines. Talagang pinag-pipilitan ko sa mga pasyente na bumili ng generic medicines, para maka-mura.
Pero pagdating ko sa Medicine course ko, di ko alam kung magbabago ba ang pananaw ko sa generic drugs o hindi.
(Teka, Mr. Writer.. Ano nga ba ang generic medicines?)
Bago natin sagutin yan, i-explain ko lang ng madali kung ano nga ba ang proseso ng pag-gawa ng gamot.
Kunyari, trip-trip ko lang pag-experimentuhan ang damo dito sa garden namin, kung may effect nga ba sya sa pagpatay ng bacteria. Syempre sa laboratory ko gagawin yan. Kukuha ako ng sample, patutuyuin, at gamit ang mga procedures, kukunin ko ang sabihin na nating "sabaw" nga mga dahon ng damo. Itetesting ko 'to, ipapatak ko kunyari sa isang culture (pinatubong bacteria). Ilang araw pagkatapos, iche-check ko 'to kung effective nga ba, at lo and behold! Effective nga. Namatay ang mga bacteria. Ibig sabihin, may potensyal na maging antibiotic ang damo na nakuha ko!
Next step, aalamin ko kung anong sangkap nung "sabaw" na ginamit ko ang effective laban sa bacteria. Marami yan, polyphenols, steroids, flavonoids, carotenoids, etc. At sabihin na natin na isang flavonoid ang nakuha ko. Ngayon, ipu-publish ko ang mga resultang nakuha ko sa experiments ko. Tapos, ipe-present ko kunyari sa pharmaceutical company, for example, Pfizer.
Kukunin ng Pfizer ang data ko galing sa research, at magsisimula na sila sa animal trials. Susubukan muna nila kung effective sa mga hayop (usually, Albino Rats ang ginagamit nila), kung yung dose eh masyadong nakamamatay o kaya malaki ang chance na ma-lason. Dahil dun, gagamitin nila ang data galing sa animal trials sa mga tao. Tawag dito, clinical trials. Maraming steps yan, pero di ko na papaliwanag. Kunyari effective din sa mga tao. Ayos!
Pagkatapos, ipapa-register nila ang gamot na na-develop nila sa FDA (Food and Drug Administration), pangalanan nating "Toiletthoughts" ang gamot na na-produce nila. May karapatan ang kumpanya na hindi ipaalam sa publiko ang nilalaman ng gamot ko, sa FDA lang. Bibigyan ako ng FDA ng tinatawag nating "patent", na kung saan habang effective ito, ako lang ang pwedeng gumawa ng gamot, at bawal kopyahin ang gamot ko. Usually, 20 years ang effectiveness ng patent, pero sa US at Europe, may additional na 5 years.
Ngayon, for 20 years, solong-solo ko ang kita galing sa gamot ko, syempre dahil malaki ang ginastos namin sa pag-Clinical Trials. Pero pagkatapos ng 20 years, dapat ko nang ipaalam sa lahat kung ano ang laman ng gamot. Dyan pumapasok ang generic medicines. At dahil wala na ngang monopoly sa gamot na binibigay ko, pwedeng ibaba ng ibang kumpanya ang presyo ng gamot na binebenta ko dati. Syempre, choice ko na yun kung ibababa ko din ang "branded" na gamot na binebenta ko, o pareho lang. Yung mga malalaking kumpanya, gagawa din sila ng sarili nilang version ng "branded" na gamot nila. For example, para sa gamot na paracetamol (generic), meron tayong Tempra, Biogesic, at Tylenol (branded). Pero may makikita kang kunyari, Lagnatex, Bawaslagnat, Heatloss na gamot (hinula ko lang), mga "generic" na tinatawag. Actually, branded din yan, kasi di naman paracetamol ang pinangalan, pero mas mura nga lang kumpara sa mga "branded" na binibili natin. Usually, ang mga kumpanyang gumagawa ng mga "generic", subsidized ng gubyerno, o kaya ng ibang mga organizations, para gumawa ng gamot at ibaba ang presyo nito.
Ngayon, choice na ng mga tao, kung anong bibilhin nila. Sa kasamaang palad, may mga namemeke ng mga gamot ngayon.
---------------------
Mabalik tayo sa issue. Ano nga ba ang generic medicines?
Sa explanation ko sa itaas, ang generic medicine ay isang gamot na naglalaman ng "active ingredient", na epektibo ding gamitin sa mga may karamdaman. Mas mura syang gamot kumpara sa mga branded, pero pumasa din sila sa "standards" ng FDA (o BFAD dito sa Pilipinas).
(Oh, yun naman pala. Niloloko mo ba ako? O bakit may mga branded pa ding binebenta? Bakit ang mahal?)
Sabi ko nga, may mga kumpanyang subsidized ng gobyerno o ibang organizations para gumawa sila ng mas murang gamot. Yung mga mahal na gamot ngayon, syempre may mga pangangailangan din sila, usually sa paggawa mismo ng gamot, packaging, etc. May mga kumpanyang syempre, gusto pa ding kumita kahit papano sa gamot na nadiskubre nila. Idagdag mo pa dyan yung advertising costs, delivery, (at yung iba pa).
(Ahhhh, ganun pala. O bakit branded pa din yung pine-prescribe ng doktor ko? Niloloko ba nya kami? O gusto lang din nyang kumita kasi sa kanya yung pharmacy sa harap ng hospital?)
Sabi ng prof ko, "we prescribe branded medicines, because due to the clinical trials and tests that they have made, as well as our experiences in the community, we have bias towards drugs which are branded, because they have shown us better results in treating patients. We have also tried generic medicines, yes, they are effective, but in a personal note, I prefer the branded version better."
Meron naman akong prof na nagsabing mas gusto nya ang generic medicines, dahil parehas lang din naman sila ng active ingredient. At considering the Philippines, which is a developing country, syempre, healthcare costs are still booming. That's why we need cheaper medicines.
At kung ako naman ang tatanungin, ayos lang naman kung branded or generic ang bibilhin ko. Basta kaya ng budget, bakit hindi branded? Oh kung gipit, ayos na ayos na ang generic. Sa ngayon, kahit medyo nakakaluwag na, generics pa din naman ang binibili ko. Lalo na, kung maintenance drug ang binibili. Isipin mo, yung isang gamot ng nanay ko, kung branded ang bibilhin, aabot ng 15 pesos. Pagbili ko ng generic. 1 peso lang. Ang paracetamol, kapag branded, usually 4-5 pesos ang isang piraso. Sa generics, 0.50. Same effect.
At sa kasamaang palad, may mga duktor na gumagawa nun, branded ang pineprescribe kaagad, na mali talaga. Dapat, kasama ng prescription ang generic name ng gamot, for example, paracetamol (Tempra), para may choice na bumili ang pasyente ng generic version ng gamot na yun.
(O baka naman sa sobrang mura eh, may peke kaming mabili!!)
Sa kasamaang palad, may mga namemeke ng gamot dito sa Pilipinas. Pero madali lang naman silang mapansin. In the first place, di naman siguro magbebenta ng pekeng gamot ang The Generics Pharmacy o Generica, o kahit ano mang pharmacy dito sa Pilipinas diba? At may mga nakapaskil din silang mga posters na nagsasabi kung paano malalamang peke ang gamot. Halatang halata din naman kung peke ang gamot o hindi. Moral lesson, wag bumili sa mga kahina-hinalang drugstores.
O sya, tigil muna ako sa pagka-geek. Hehe. Medyo marami pang isyu tungkol dyan, at bilang isang studyante na nangangarap maging duktor, syempre gusto ko din naman ang naka-gaganda ng kundisyon ng mga pasyente ko. Sabi ko nga, kung kaya naman ng budget, bakit di na lang mag-branded? At kung medyo nahihirapang kumuha ng pera, generics na lang tayo.
Sa TGP at Generika, kung gusto nyo akong maging model, sige message nyo lang ako. Hehe
-----------------
(O, bili muna ako ng amoxicillin na generic dyan sa kanto. May sugat kasi ako.)
Bawal pong bumili ng antibiotics sa pharmacy ng walang prescription. Hehe. At alam nyo po bang di naman effective ang pagbubudbod ng powder ng antibiotic sa sugat?
(Balita ko may nadiskubre daw kayong gamot na pwedeng panlaban sa cancer. Musta?)
Nasa publication phase na po kami, ibig sabihin magiging available na ang research namin para sa pre-clinical trials, kung sakaling may kukuha ng research namin! Hehe.
PASENSYA NA SA SOBRANG HABANG POST! Just wanted to inform everyone. Hehe
Di yan ang gamot na tinutukoy ko. Unang una, bawal yan. Pangalawa, walang generic yan, at talagang BAWAL YAN! |
(Note that this blog is not affiliated in any way to the drugstores, companies, or drugs being mentioned.)
2 Comments:
thanks a lot for the info....
Very informative. Ako rin ang nakatoka sa pagbili ng maintenance meds ni mama. And yung doktor nya e brand name agad ang nirereseta, walang generic name, palibhasa sa kanya yung pharmacy katabi ng clinic nya. :) Mejo nakampante na ako bumili ng generic meds dahil dito. More than half kasing mas mababa ang presyo ng generic. Thank you sa pag share. Godbless!
Post a Comment
Subscribe to Post Comments [Atom]
<< Home