Ang Pilipino at ang "Freedom of Speech"
Kahapon, habang nanonood ako ng balita, ipinakita ang iba't-ibang reaksyon ng mga Pilipino ukol sa state visit ni US President Barack Obama sa Pilipinas, at ang paglalagda ng isang agreement na napapatungkol sa "military presence" ng Estados Unidos sa ating bansa. Bawat Pilipino'y may kanya-kanyang opinyon - may mga sang-ayon sa ideyang ito, at meron din namang mga hindi sang-ayon. At dahil sa ating "Freedom of Speech", malaya nating naipapahayag ang ating mga opinyon at saloobin.
Pagkatapos ng Martial Law, malaya na nating na-e-exercise ang "freedom" na ito. Wala nang manghuhuli sa atin, kung sakaling ipapahayag natin ang ating mga opinyon. Malaya na tayong makaka-tuligsa o sumang-ayon sa bawat galaw ng gobyerno. Malaya.
Kalayaan. Freedom. Napakagandang salita. Ngunit mahirap pangatawanan.
Naituro sa amin sa eskwelahan ang paksang "freedom". Ito ay estado na kung saan nagagawa ng isang tao ang mga gusto niyang gawin. Ang gawin ang isang bagay ng walang pumipigil, at walang pag-aalinlangan, ngunit may kapalit - sa bawat kalayaan na naibibigay satin, dapat, may responsibilidad. Kasi, kapag nagamit mo ang kalayaan mo para masira na ang kalayaan ng ibang tao, hindi na iyon maituturing na kalayaan.
Ipinakita sa telebisyon kahapon ang iba't-ibang kilos protesta na isinagawa ng iba nating kababayan bilang pagtuligsa sa Visiting Forces Agreement at ang state visit. May mga nag-welga sa daan, kumain ng itlog bilang tanda ng kanilang "maralitang hapunan" na pinaniniwalaan nilang "tunay na estado ng Pilipinas sa ngayon". Umulan, ngunit hindi pa din napigilan ang kanilang pagpapahayag ng kanilang saloobin. Kung sa persistence lang, napakagandang hakbang nito upang ipaglaban ang sariling opinyon ng may kaakibat na responsibilidad.
Sa General Santos City, isang grupo naman ng kabataan ang pumunta sa isang satellite branch ng Department of Foreign Affairs sa isang mall. Kung tutuusin, kalayaan din naman ito upang ipahayag ang kanilang opinyon. Ngunit iilang sandali lamang, lumapit na ang grupo ng mga kabataan, pinagtatanggal ang mga posts na naka-ayos sa branch, sumugod sa lugar kung saan naghihintay ang mga kababayang namamag-asang makakuha ng passport, pinag-susugod ang mga gwardya at kinauukulan, at ginulo ang mga upuan na dapat sana'y ginagamit ng mga customer nito. Sa madaling salita, isang kaguluhan ang nangyari sa kung tutuusin dapat ay isang tahimik at payapang pag-proseso ng iba sa kanilang mga dokumento.
Palagay mo, "freedom of speech" pa din ba ito?
May bugbugan, may alitan, may away dito at doon, at nang may magtangkang kumuha ng litrato ng insidente, isang raliyista ang sumugod, kinuha ang cellphone na ginamit at akmang sisirain ito. Natigil lang ang gulo nang may isang raliyistang masugatan at naging duguan.
Don't get me wrong. Ayos lang din naman sa akin kung may mga raliyista at tumutuligsa sa isang bagay na sinasang-ayunan ko. Dahil sa kanila, may mga pagsasaayos na nagagawa sa mga batas at mga alituntunin na ipinapatupad ng gobyerno. At dahil dun, nasasaayos ang ating bansa. Win-win situation, diba? Pero kung isinasaalang-alang naman natin ang kaayusan, ang kalayaan ng ibang tao, at ang kaligtasan ng lahat, palagay ko'y dapat magkaroon pa din ng masinsinang pagiisip at pag-aalinlangan kung dapat bang gawin ang isang hakbang. Maraming paraan upang maisagawa ang mga bagay na ito, at marami din namang options na ligtas para sa lahat, at nasisiguradong walang naaabalang tao. Sundin ang mga batas at alituntunin na ibinigay kapalit ng kalayaang gawin ang gustong gawin. I-consider ang mga benefits at risks na maaaring mangyari. Gawin ito sa mapayapang paraan.
Batid ko ding mukhang bingi-bingihan minsan ang ating gobyerno tungkol sa mga opinyon at kuro-kuro ng mamamayan. Minsan, ang mga rally at mga petisyon ng mga Pilipino ay naibabaon na lang sa limot. Pero hindi ito masosolusyunan sa marahas na paraan. Sa maayos at masinsinang pakikipag-talastasan, at least, may pag-asa pa din naman. Gumawa ng online petition. Gumawa ng ingay sa social media.At kung titignan mo, ang mga isyu na naipapalabas sa media ay ang mga isyung tinututukan ng gobyerno. Dahil yan ang abot-kaya at ang ginagamit ng kabataan at ng mga mamamayan ngayon, (tulad ng ginawa ni Barack Obama sa kanyang campaign) siguradong may pag-asa pa din para mapakinggan ang ating boses.
Mabuhay ang bansang Pilipinas!
Labels: advocacy, government, Personal
0 Comments:
Post a Comment
Subscribe to Post Comments [Atom]
<< Home